Gumawa ng ingay ang isang 15-taong gulang na lalaki mula Antipolo, Rizal matapos manalo laban kay The Magician Efren ‘Bata’ Reyes, sa ginanap na MassKara Billiards Tournament sa Bacolod, Oktubre 5.
Kinilala ang binatilyong manlalaro na si AJ Manas na nakatunggali ng Filipino professional pool player na si Efren sa 10-ball billiard Semifinals match. Nasipat ni Manas ang panalo sa iskor na 8-5.

Sa ulat ng 24 Oras, ibinahagi ni Manas na nakaramdam umano siya ng pressure habang kalaban ang batikang manlalaro, kung saan marami ang nakasaksi sa kanilang harapan.
Sa kabilang banda, bagamat naungusan ng batang manlalaro, pinuri ni Reyes ang galing ng binatilyo sa paglalaro. Aniya, hindi na raw niya kaya na gawin ang ilang mga istilo sa paglalaro ng bilyar.

“Panalo ‘yung pocketing niya. ‘Yung panghulog ng bata, ang galing. Mayroon na rin siyang mga position,” wika ni Reyes.
Matapos ang tunggalian, inimbitahan ni Reyes si Manas na mapabilang sa kaniyang training center at sa kanilang binubuong koponan.
“Nagpapasalamat po ako sa inyo dahil may mga kabataan pong gumagaya po sa inyo dahil sa mga nakuha n’yong achievements sa iba’t ibang bansa sa larangan ng billiards. Kaya nagpupursige po kami na maging kagaya po ninyo,” pagbabahagi ni Manas.
Inaasahan ni Manas na marami pa siyang matututunan rito dahil nagsisilbing inspirasyon para sa mga katulad niyang kabataang Pilipino ang maipagpatuloy ang naukit na kasaysayan ng pool legend sa larong pampalakasan.
Source: GMA News Online
Photo: Bacolod Yuhum Foundation/FACEBOOK
#GoPhilippines #GoRizal #Antipolo