Nagsampa ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes ng mga reklamong pagpatay laban sa suspendidong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gerald Bantag at iba pa kaugnay ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
“A case has been filed with the prosecutors and from then we will proceed with the case proper and hopefully this issue will be laid to rest the way it should be,” pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa isang press conference.
Sinabi ni Atty. Eugene Javier ng NBI na dalawang kasong murder ang isinampa para sa pagkamatay ni Lapid at ng umano’y middleman na si Jun Villamor, isang person deprived of liberty (PDL) sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Bukod kay Bantag, pinangalanan rin bilang kasabwat sa reklamo sina Senior Superintendent Ricardo Zulueta, opisyal ng BuCor, at mga PDL na sina Denver Batungbakal Mayores, Alvin Cornista Labra, Aldrin Micosa Galicia, at Alfie Peñaredonda.
Sina Bantag at Zulueta ay kinilala bilang mga “principals by inducement” o nanguna sa naging pagpatay sa pamamagitan ng panghihikayat habang ang iba ay kinilala bilang “principals by indispensable cooperation”.
Samantala, sina Christam Ramac, Ricky Lamigo Salgado, Ronnie Pabustan Dela Cruz, at Joel Alog Reyes — pawang mga PDL — ay kinasuhan bilang mga sangkot sa direktang pakikilahok sa krimen o principals by direct participation.
Nagpahayag naman ang Malacañang noong Lunes ng pag-asa na mabibigyan ng hustisya ang pamilya ni Lapid kasunod ng pagsasampa ng mga reklamo sa naging pagpatay.
“He (President Ferdinand Marcos Jr.) is very much aware of the situation. Hopefully, it will pave the way para talagang justice will be served to the family of Mabasa,” pahayag ni Officer-in-Charge Undersecretary Cheloy Garafil sa media.