Kinagiliwan at atraksyon ngayon sa Oas Catholic Cemetery, Oas, Albay ang puntod na may Jollibee theme ngayong Undas.
Ito ay nakadisenyo sa puntod ng namayapang si Jose Relleve na simula taong 2013 ay taon-taon umano iniiba ang pintura o disenyo sa naturang puntod.
Batay sa anak nito na si Angelle Relleve isa ang fried chicken sa naturang fast food chain ang paborito ng kanyang namayapang ama kaya ngayong taon ay ito ang naisip nilang ipintura.
“As a gift this All Souls’ Day for our late head of the family, we painted the tomb of his favorite food chain brand of Fried chicken which is also his standard when it comes to this kind of dish” saad nito sa kanyang facebook post.
Nito umanong 2021 ay brand ng isang chewing gum ang nakapintura sa puntod nito at naipintura na rin ang brand ng paborito nitong chocolate, sapatos, sasakyan, inumin, damit at maging pabango.
Ang local artist na naman na si Jafryl Refran ng Polangui, Albay ang nagpipintura dito.
Masaya si Jafryl dahil marami ang natutuwa at nagagandahan sa kanyang obra. Inabot umano ng dalawang araw bago niya ito natapos.
Aminado naman ang pamilya na medyo magastos ang pagpapapintura nito ngunit masaya sila dahil alam nilang mapapasaya nila ang ama na pumanaw noong Marso 2011.
Ang mga desinyong ito, inaabangan na rin ng mga bumibisita sa sementeryo kung saan marami ang mga nagpapakuha ng litrato dito.
Source: Bicol.PH
#GoPhilippines